Timbog ang dalawang tinaguriang high-value individuals (HVIs) sa ikinasang buy-bust operation ng mga kapulisan at operatiba ng PDEA sa Purok Nieto, Barangay Batal, Santiago City.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Jackie,” 53 taong gulang, babae, may asawa at tubong Marawi City; at alyas “Henry,” isang drayber, may asawa, at residente ng Santiago City.
Ayon sa ulat, dakong alas-diyes y medya ng gabi nang magsagawa ng operasyon ang City Drug Enforcement Unit ng Santiago City Police Office (SCPO), katuwang ang iba pang yunit ng SCPO at ang PDEA Quirino, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nasamsam ng mga awtoridad ang hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na mahigit 148 gramo at tinatayang Standard Drug Price na higit Php1 milyon.
Kabilang sa mga nakumpiskang droga ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 30.2 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php205,360.00 na ginamit bilang buy-bust item, at isa pang sachet na may timbang na tinatayang 118.2 gramo na may halagang Php803,760.00 na nakuha sa mismong pag-iingat ng mga suspek.
Bukod sa droga, narekober din ang Php200,000.00 na binubuo ng isang piraso ng tunay na isang libo at 199 na piraso ng isang libong piso na boodle money, dalawang itim na Android cellphone, isang itim na sling bag, at isang motorsiklo.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng SCPO at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











