--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot sa isang milyong halaga ng ilegal na pinutol na kahoy ng Narra ang nasabat ng mga awtoridad sa bayan ng Santa Fe, Nueva Vizcaya.

Ang mga pinaghihinalaan ay sina alias “Sam”, tatlumpu’t tatlong taong gulang, magsasaka, truck helper at residente ng Landingan, Nagtipunan, Quirino at alias “Tamtam”, tsuper at residente rin ng nasabing lalawigan.

Nakuha sa pag-iingat ng mga pinaghihinalaan ang isang daan at isang piraso ng pinutol na kahoy ng Narra na nakasilid sa isang Isuzu Elf truck at may tinatayang halaga na isang milyong piso.

Ang sasakyan at ang mga nakumpiskang kahoy ay nasa kustodiya na ng Department of Environment and Natural Resources o DENR para sa kaukulang disposiyon habang ang isa sa mga suspek na si alias Sam ay nasa pangangalaga ng Santa Fe Police Station.

--Ads--

Patuloy namang pinaghahanap ng awtoridad ang tsuper ng elf truck na nagawang makatakas habang kasalukuyan ang operasyon.