--Ads--

Inihayag ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste na nakatakdang makatanggap ng insentibo ang mga miyembro ng Kamara de Representantes sa oras na maaprubahan ang bicameral conference committee report para sa 2026 national budget ngayong Lunes, Disyembre 29.

Ayon kay Leviste, nakalaan ang P10 bilyon mula sa Maintenance and Other Operating Expenses ng Kamara para sa insentibo o bonus ng mga kongresista. Layunin umano ng pondo na matiyak ang quorum sa araw ng pag-apruba, lalo pa’t malapit ito sa Bagong Taon kung kailan karamihan sa mga mambabatas ay nasa bakasyon.

Hindi dumadaan sa liquidation ang MOOE kundi sertipikasyon lamang, tulad ng mga confidential fund. Aniya, itinaas ng Kongreso ang pondo para sa sarili nitong paggamit na nagkakahalaga ng P10.5 bilyon, at ang insentibo ay ipamimigay sa mismong araw ng budget approval.

Ayon kay Leviste, sa halip na pagtutok sa mahahalagang usapin sa budget, mas pinipili umano ng ilan na magbigay na lamang ng insentibo upang manahimik ang ilang mambabatas.

--Ads--

Wala pang tiyak na halaga kung magkano ang matatanggap ng bawat kongresista at malalaman lamang ito sa Lunes. Nauna na ring tinanggihan ni Leviste ang hiwalay na insentibo na aabot umano sa P150 milyon na halaga ng proyekto.

Wala pang pahayag mula sa liderato ng Kamara hinggil sa bagong alegasyon ni Rep. Leviste.