Nakalikom ang Bureau of Customs (BOC) ng mahigit P102 milyon mula sa pagbebenta ng siyam sa 13 luxury cars na nasamsam mula sa mag-asawang contractor na sina Sarah at Pacifico “Curlee” Discaya.
Sa inilabas na pahayag nitong Biyernes, Pebrero 27, sinabi ng BOC na matagumpay na naibenta sa pinakahuling public auction ay matagumpay na naibenta ang tatlong sasakyan sa halagang P25.751 milyon, bukod pa ang karagdagang P20,000 para sa registration fees.
Kabilang sa mga naibenta ang:
- Lincoln Navigator (2024) na nabili ng Cantinetta Espresso Concepts sa halagang P6.95 milyon;
- Cadillac Escalade ESV (2022) na nakuha ng Igorot Stone Kingdom Inc. sa halagang P6.623 milyon; at
- Bentley Bentayga (2022) na may pinakamataas na bid na P12.178 milyon, na binili ng TDY Consumer Goods Trading.
Apat na public auction ang isinagawa ng BOC para sa 13 luxury vehicles ng mga Discaya, kung saan ang una ay ginanap pa noong Nobyembre 2025.
Sa unang auction, umabot sa P38 milyon ang nalikom mula sa tatlong sasakyan. Sinundan ito ng P9.5 milyon sa ikalawang auction at P29 milyon naman sa ikatlong auction.
Samantala, ang iba pang mga sasakyan ay naibenta sa mga sumusunod na halaga:
- Rolls-Royce Cullinan (2023) – P29 milyon
- Mercedes-Benz G63 AMG (2022) – P15.6 milyon
- Mercedes-Benz G500 (2019) Brabus – P15.5 milyon
- Lincoln Navigator L (2021) – P7.1 milyon
- Toyota Sequoia (2023) – P6 milyon
- Toyota Tundra (2022) – P3.48 milyon
Nasamsam ang 13 sasakyan matapos matuklasan sa imbestigasyon na wala itong import entry records at kulang sa dokumentong magpapatunay na nabayaran nang tama ang kaukulang buwis.
Bahagi ang pagsamsam at pagbebenta ng mga sasakyan sa hakbang ng pamahalaan na mabawi ang pondong umano’y nawaldas sa pamamagitan ng kickback mula sa mga contractor na sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, nakasentro ang kanilang operasyon sa “restitution at transparency” sa bawat enforcement action na kanilang isinasagawa.
Dagdag pa niya, ibinabalik ng BOC ang mga nalikom na pondo sa Bureau of the Treasury upang magamit sa mga programa ng pamahalaan para sa mamamayan.
Samantala, nakatakda ang susunod na public auction sa Marso 17.











