CAUAYAN CITY– Pinabulaanan ni Isabela 1st District Representative at Deputy Speaker Antonio “Tonypet” Albano ang alegasyon na sinuhulan ng 150 million pesos ang mga kongresista na pumirma sa impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cong. Tonypet Albano, sinabi niya na programa ang AKAP o ang Ayuda para sa kapos ang kita Program ay programa ng pamahalaan na ibinibigay sa bawat distrito ng lalawigan sa bansa simula pa noong administrasyong Duterte.
Ito aniya ay ipinapamahagi sa taumbayan at hindi ito napupunta sa bulsa ng mga kongresista at wala silang mapapakinabangan dito kaya hindi ito pwedeng maging suhol lalo na at DSWD ang nag-iimplement nito.
Binigyang diin nito na ‘Fake News’ ang mga kumakalat na impormasyon lalo na at wala namang matibay na basehan ang mga nagpapakalat nito.
Ani Cong. Albano, hindi siya kasali sa 215 na kongresista na pumirma sa pang- apat na impeachment complaint na inihain ng kamara laban kay VP Sara dahil nasa official business siya noon ngunit pumirma rin siya kalaunan nang makabalik na siya ng bansa.
Malapit umano siya sa pangalawang pangulo noon ngunit kinakailangan managot sa mga kamalian lalo na ang ginawang pagbabanta sa buhay ni Pres. Ferdinand Marcos Jr.
Grounds for impeachment din aniya ang maanomalya nitong paggasta sa confidential funds ng Office of the Vice President dahil pasok ito sa betrayal of public trust.
Una rito, lumabas sa isang panayam ang umano’y 150 million pesos na kapalit ng pagpirma ng mga kongresista para maimpeach ang bise presidente.
Ayon sa impormasyon ang umano’y 25 milyon ay galing sa AKAP habang 25 milyon ang galing sa Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS at ang 100 milyon ay mula sa High Infrastracture projects.