CAUAYAN CITY- Sinang-ayunan na ng Department Of Labor and Employment (DOLE) Central Office ang pondong nagkakahalaga ng P/150 million para sa pagtatayo ng mga gusali ng DOLE Regional Office sa Tuguegarao City at mga Field Offices nito.
Ayon Engineer Henry Balangatan, pinuno ng DOLE Isabela Field Office sa kanyang sulat kay Governor Faustino III, prayuridad ayon sa kautusan ng DOLE Central Office at DOLE Regional Office ang pagtatayo ng gusali para sa Isabela Field Office.
Kinokonsidera ng Regional Field Office na ang Isabela ang pinakamalaking lalawigan na higit na marami ang iba’t ibang uri ng kanilang kliyente maging ang kabuoang bilang ng kanilang mga kawani o work force.
Dahil dito, pormal na hiniling ni Engineer Balangatan sa Prov’l. Gov’t ng Isabela na maglaan ang kapitolyo ng 1,000 metro kuwadrado sa government center compound sa Barangay Alibagu, Ilagan City upang gamiting pagtatayo sa nabanggit na gusali at may kasama nang parking area.
Ayon pa kay Engineer Balangatan, ang konstruksiyon ng nasabing gusali ay agad na pasisimulan kung magiging positibo ang aksiyon ni Gov. Dy na sa government center compound itatayo ang kanilang provincial office.
Sa kasalukuyan ang DOLE Isabela Field Office ay umookopa sa isang espasyo na inilaan ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa may silong ng Queen Isabela Park.




