Personal na nakipagpulong si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa mga alkalde sa lalawigan ng Isabela upang talakayin ang ayuda para sa mga corn farmers na labis na naapektuhan ng matinding tagtuyot.
Batay sa tala ng Department of Agriculture o DA, inaasahang maaaring umabot sa mahigit dalawang bilyong piso ang halaga ng pinsala sa pananim na mais ngayong cropping season kung magpapatuloy ang drought sa lalawigan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Secretary Gatchalian, ibinahagi niyang inatasan siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na personal na kumustahin ang kalagayan ng mga magsasaka sa Isabela matapos itong ideklara sa ilalim ng state of calamity.
Dagdag pa ng kalihim, pinamamadali ng Pangulo ang pagbibigay ng cash assistance sa mga apektadong magsasaka, dahilan upang agad siyang bumisita sa lalawigan kahit holiday.
Ayon pa kay Secretary Gatchalian, kasalukuyan nang kinokolekta ang datos ng mga apektadong magsasaka upang mapabilis ang pamamahagi ng tulong, kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Tiniyak naman ng DSWD na makakarating ang nararapat na tulong hindi lamang sa mga corn farmers kundi maging sa mga rice farmers sa lalong madaling panahon.
Sa ngayon ay hindi pa binabanggit ni Gatchalian kung magkano o ilan ang eksaktong halaga ng ipamamahaging tulong para sa mga corn farmers dito sa Isabela, ngunit tiniyak niya na agad itong ipagkakaloob sa lalong madaling panahon.
Samantala, kabilang din sa layunin ng kaniyang pagbisita ang pagsusulong ng Walang Gutom Program ng Department of Social Welfare and Development, gayundin ang isinagawang payout program na ginanap dito sa Cauayan City.











