Epektibo na ang bagong P20 pamasahe sa tricycle sa poblacion area ng Cauayan City matapos aprubahan ng pamahalaang lungsod ang updated fare matrix.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Roland Lanuza, Vice President ng Union of TODA Cauayan City, sinabi niya na sa isinagawang pulong ng kanilang presidente at ni Mayor Caesar Jaycee Dy Jr. ay napagkasunduan ang P20 na pamasahe para sa biyahe sa poblacion.
Para naman sa mga tricycle na bumibiyahe papunta sa mga barangay, pag-uusapan at pagpapasyaan naman ito ng bawat TODA kung magkano ang karagdagang pamasahe.
Ani Lanuza, malaki ang epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa kanilang kabuhayan, lalo na sa mga tricycle drivers.
Sa kabila ng kaunting kita, ipagpapatuloy pa rin nila ang pamamasada dahil sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
Bago ipatupad ang bagong pamasahe, humihingi na lamang sila ng konsiderasyon sa mga mananakay, lalo na sa mga biyahe patungo sa malalayong destinasyon, para madagdagan ang pamasahe.











