--Ads--

Nilinaw ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan na hindi pa tuluyang naaprubahan ang P25 minimum fare sa mga tricycle sa Poblacion Area ng Cauayan City.

Sa panayam sa Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Paolo Eleazar Delmendo sinabi niya na bagamat nagsagawa na sila ng pulong kasama ang mga tricycle drivers at mga Tricycle Operators and Drivers Association o TODA ng lungsod, kailangan pa rin nilang kunin ang opinyon ng riding public ukol sa pagtaas ng pamasahe.

Ayon kay SP Delmendo, nauunawaan nila na ang lahat ng mamamayan ay apektado ng kasalukuyang krisis sa petrolyo, kaya’t kailangan nilang tiyakin na mayroong balanse upang hindi malagay sa alanganin ang mga tao, pati na rin ang mga pasahero at driver.

Dahil dito, nagtakda ang lokal na pamahalaan ng public hearing kung saan iimbitahan nila ang mga TODA, riding public, NGOs, at iba pang mga sektor na may kaugnayan sa isyu.

--Ads--

Ang layunin ng public hearing ay magbigay ng pagkakataon sa lahat ng sektor na magbigay ng kanilang pananaw bago magpatuloy ang proseso ng pag-apruba sa fare hike.

Sa ngayon ay wala pa namang eksaktong petsa ng susunod na pulong dahil sa Gawa-Gawayyan Festival ngunit tiniyak ni SP Delmendo na sa unang bahagi ng Abril ay magkakaroon na ng kalinawan sa naturang usapin.