Naging matagumpay ang isang araw na pagsasagawa ng marijuana eradication operations ng mga operatiba ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) matapos matuklasan ang PhP4,500,000.00 na halaga ng marijuana sa lalawigan ng Benguet.
Ayon sa ulat ng Regional Operations Division ng PRO CAR, nadiskubre ang siyam na plantasyon na natamnan ng 22,500 fully grown marijuana plants na may kabuuang Standard Drug Price na PhP4,500,000.00 sa Brgy. Central, Kapangan; Brgy. Kayapa, Bakun; Brgy. Tacadang, Kibungan; at Brgy. Caliking, Atok.
Ang nasabing operasyon ay naisakatuparan dahil sa pagtutulungan ng mga operatiba mula sa Kapangan Municipal Police Station; Bakun Municipal Police Station; Kibungan Municipal Police Station; Atok Municipal Police Station; Provincial Drug Enforcement Unit, Provincial Intelligence Unit, Provincial Special Operations Group, at Provincial Community Affairs and Development Unit ng Benguet Police Provincial Office; 1st at 2nd Benguet Provincial Mobile Force Company; Regional Mobile Force Battalion 15; Regional Intelligence Division ng PRO CAR, Regional Intelligence Unit 14, at Philippine Drug Enforcement Agency-CAR.
Lahat ng nadiskubreng tanim na marijuana ay agad na binunot at sinunog ng mga operatiba. Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang posibleng taniman ng marijuana sa mga karatig-lugar, gayundin ang mga indibidwal na nasa likod ng iligal na pagtatanim nito.






