Inihayag ng Department of Human Settlements and Urban Development na napapakinabangan na at natitirhan na ng mga Former Rebels ang inihandog na pabahay sa kanila ng pamahalaan.
Inihayag ni Architect Cheryll Moreno, Division Chief ng Public Housing and Settlements Division ng Department of Human Settlements and Urban Development na binibigyan ng tatlong mapagpipilian ang mga former rebels o nagbalik loob na rebelde para sa mga programa ng National Housing Authority gaya ng house and lot package maliban pa sa mga existing NHA housing projects na nakatatag sa iba pang rehiyon.
Aniya maaaring pumili ang mga former rebels kung saang rehiyon nila nais kumuha o ma avail ang house and lot package.
Maliban sa pabahay ay maaari ring pumili ang mga dating rebelde kung bahay o cash assistance package na nagkakahalaga ng P450,000 at cash assistance for house repair na nagkakahalaga ng P100,000.
Ang isang former rebel aniya ay magiging kwalipikado sa mga iniaalok na programa ng Department of Human Settlements and Urban Development kung sila ay nagbalik loob sa pamahalaan at sertipikado ng Joint AFP, PNP intelligent Committee sa ilalim ng Enhanced – Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP.
Kung pipiliin ng Former Rebel ang house and lot package ay dapat sumasang-ayon ito sa permanenteng paninirahan sa lugar kung saan naroon ang NHA housing project na kanilang mapipili.
Ayon pa kay Architect Moreno, madali lamang aplayan ang mga programang iniaalok ng pamahalaan para sa mga dating rebelde at bukas ito para sa lahat ng mga nagbabalik loob sa pamahalaan.