--Ads--

Nadagdagan pa ang pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na makakatulong sa pagkakaaresto ng mga responsable sa pagpatay sa dating beauty queen na si Lullete Jane “Jing” Ramilo Dela Cruz sa San Manuel, Isabela noong ika-13 ng Pebrero 2026.

Bukod sa ₱100,000 na pabuya na ipinangako nina Mayor Dondon Dy at Congressman Mike Dy, magbibigay din ng karagdagang ₱50,000 si Board Member King Dy bilang suporta sa patuloy na imbestigasyon sa kaso ng biktima. Ang pabuya ay ipagkakaloob sa sinumang makapagbibigay ng mahahalagang impormasyon na makatutulong sa pagkakaaresto ng mga salarin.

Samantala, nagbigay si Board Member King Dy ng taos-pusong pakikiramay sa pamilya ni Dela Cruz at tiniyak ang kanyang suporta sa kanilang panawagan para sa hustisya. Ayon sa kanya, mahalaga na managot ang mga salarin upang hindi lamang mabigyan ng hustisya ang pamilya kundi mapanatili rin ang kapayapaan at seguridad sa komunidad.

Patuloy naman ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan at pulisya upang mapabilis ang imbestigasyon at matunton ang mga responsable sa karumal-dumal na krimen.

--Ads--