Ipinadala na ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang kanilang mga air assets sa nagpapatuloy na operasyon laban sa mga kasapi ng komunistang grupo sa Kabugao, Apayao.
Mula Abril 5 hanggang Abril 10, apat na beses na nakasagupa ng 98th Infantry Battalion ang mga pinaghihinalaang kasapi ng Regional Guerrilla Unit ng Ilocos Cordillera Regional Committee o ICRC sa Barangay Maragat, Kabugao, Apayao.
Ayon kay Lt. Jan Marc Gloria, Wing Information and Historical Officer ng TOG 2 Philippine Air Force sinabi niya na mula nang ikasa ang operasyon ay walang anumang collateral damage na naitala sa nagpapatuloy na sagupaan sa bahagi ng Kabugao, Apayao.
Tinitiyak naman ng Philippine Air Force na prayoridad nila ang kaligtasan ng bawat isa kaya maayos ang naging koordinasyon nila sa Philippine Army.
Matatandaan na sa ikaapat na pagkakataon ay muling nakasagupa ng 98th Infantry Battalion ang nasa dalawampung miyembro ng ICRC sa Sitio Dagui, Barangay Maragat, Kabugao, Apayao.
Sa nangyaring sagupaan ay narekober ng mga militar ang mga armas at personal na kagamitan ng mga makakaliwang grupo.
Mayroon ding mga blood stains na nakita sa encounter site na indikasyon na mayroong nasugatan sa mga tinutugis na NPA.
Sa ngayon ay hindi pa makaalis ang ICRC sa Brgy. Maragat dahil patuloy ang pagtugis sa kanila ng mga militar.