Natatangi ang pagdiriwang ng Semana Santa sa Haiti dahil sa kakaibang pagsasanib ng Katolikong tradisyon at vodou culture.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Nene Sylvain, bagamat karamihan sa mga Haitian ay Katoliko, matagal nang nagkaroon ng ugnayan ang relihiyon at espiritwal vodou culture, na nagbibigay ng kakaibang kulay at hiwaga sa paggunita ng Holy Week sa nasabing bansa.
Sa mga pangunahing lungsod tulad ng Port-au-Prince at Cap-Haïtien, makikita ang mga deboto na umaakyat sa bundok na may buhat na bato. Kasabay nito, isinasagawa sa gabi ang ilang seremonyang vodou, kung saan nagsasagawa ang mga residente ng ritwal para sa proteksyon, pagpapagaling, at pagpapala sa kanilang pamilya at komunidad.
Sa pag-akyat ng bundok na may buhat na bato, ipinapahiwatig ng mga deboto ang kanilang mga personal na pasanin o “burdens.” Sa kanilang pagdating sa tuktok, inihahagis nila ang bato pababa bilang simbolo ng pag-alis ng bigat at problema sa kanilang buhay.
Bukod dito, may mga aktibidad din para sa kabataan tulad ng panonood ng pelikula tungkol sa “Passion of Christ” at mga gawaing pang-eskwela, gaya ng coloring activities na may temang pagpapako sa krus ni Hesukristo, bilang bahagi ng kanilang pag-unawa sa kahalagahan ng Semana Santa.
Sa kabuuan, ang Semana Santa sa Haiti ay hindi lamang paggunita sa pagpapakasakit at muling pagkabuhay ni Hesukristo, kundi isa ring makulay na pagpapakita ng mayamang espiritwal na kultura at matibay na pananampalataya ng mga Haitian.











