Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na naaayon sa umiiral na mga batas ang pag-aresto kay United People’s Initiatives convenor at retired Major General Romeo Poquiz.
Ayon sa ulat, si Poquiz ay dinakip kaugnay ng kasong Inciting to Sedition, na agad naman niyang napiyansahan.
Sa pahayag ng AFP, iginiit nito na may hangganan ang karapatang ginagarantiyahan ng Konstitusyon sa kalayaan ng pagpapahayag, lalo na kung ang mga kilos o pahayag ay humihikayat ng rebelyon, sedisyon, o iba pang ilegal na gawain na may kaakibat na parusa sa ilalim ng batas.
Dagdag pa ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, sinusuportahan nito ang adbokasiya para sa mabuting pamamahala at integridad sa gobyerno. Gayunman, nilinaw ng ahensya na ang paglaban sa korapsyon ay dapat isinasagawa sa pamamagitan ng mga legal na mekanismo at alinsunod sa mga konstitusyunal na proseso.











