CAUAYAN CITY – Iniimbestigahan na ng Police Regional Office No. 2 ang mga pulis ng Maddela Police Station upang malaman kung may kapabayaan sa naganap na pagsalakay ng mga kasapi ng New People’s Army o NPA.
Nasawi sa naganap na pagsalakay dakong alas diyes ng gabi noong Sabado si PO2 Jerome Cardenas.
Ayon kay P/Sr. Supt Merwin Quarteros, ang Provincial Director ng Quirino Police Provincial Office o QPPO, ang rebeldeng grupo ay sakay ng 2 van at elf.
Kinumpirma ng opisyal na nagkaroon ng palitan ng putok na tumagal ng halos 20 minuto.
Bakas sa naturang himpilan ng pulisya ang palitan ng putok dahil sa maraming tama ng bala ng baril sa mga dingding at mga bintana nito.
Sa kanilang pagsalakay ay tinangay ng mga rebelde ang 13 armas, mga bala at iba’t ibang mahahalagang gamit ng mga pulis tulad ng kanilang uniporme at laptop.
Tinangay din nila si SPO4 Antonio Siriban ngunit iniwan din siya kaya nakabalik siya sa kanilang himpilan sakay ng tinangay din nilang police car.
Tiniyak ni P/Sr. Supt Quarteros na kontrolado nila ang sitwasyon sa lugar at pinawi ang pangamba ng mga mamamayan.
Kahapon ay inako ng Venerando Villacillo Command ng NPA na sila ang nasa likod ng pagsalakay.
Samantala, sinibak sa puwesto si P/Chief Insp. Jhun Jhun Balisi, hepe ng Maddela Police Station batay sa kautusan ni Regional Director P/Chief Supt. Eliseo Tam Rasco ng Police Regional Office No. 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni P/Chief Insp. Balisi na iginagalang niya ang kautusan mula sa kanilang panrehiyong direktor.
Inamin ng hepe na wala siya sa kanilang himpilan nang maganap ang pagsalakay.
Sinabi niya na kaaalis niya patungo sa Quirino Police Provincial Office nang sumalakay ang mga rebelde.
Samantala, isang dumptruck at crusher na pag-aari ng Triple “A” Construction company ang sinunog ng mga NPA nang kanilang madaanan sa Barangay San Pedro, Maddela sa kanilang pagtakas matapos salakayin ang Maddela Police Station.




