--Ads--

Hindi kawalan sa Ekonomiya ng Pilipinas ang tuluyang pag-ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Ito ang inihayag ng isang Kongresista matapos i-anunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) ang pag-ban sa mga POGOs – legal man o iligal.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Deputy House Speaker at Isabela 1st District Representative Antonio “Tonypet” Albano, sinabi niya na bagama’t malaki ang pera na naipasok ng POGO sa bansa ay di hamak naman na mas marami ang mga mahihikayat na investors na mamuhunan sa Pilipinas kung tuluyan itong mawawala.

Aniya, kung malakas ang Money Laundering sa bansa na siyang ginagawa ng mga POGO ay walang malalaking kumpanya mula sa ibang bansa ang gugustuhing mag-invest sa Pilipinas na makakaapekto sa paglago ng ekonomiya ng bansa.

--Ads--

Nang dahil dito ay inatasan aniya ni Pangulong Marcos ang Kongreso na gumawa ng panukalang batas na naglalayong matulungan ang mga Pilipino na apektado sa pagsasara ng mga POGO.

May pondo naman umano ang kongreso para rito kaya walang dapat ipag-alala ang mga Pilipino na mawawalan ng hanapbuhay dahil dito.