--Ads--

Pinag-aaralan ng mga lokal na mambabatas sa Lalawigan ng Isabela na i-livestream sa social media ang mga regular at special sessions maging ang mga public hearings na isinasagawa sa isang bayan at lungsod.

Natalakay ang naturang usapin sa naganap na public consultation ng Sanguniang Panlalawigan ng Isabela nitong Martes, ika-22 ng Hulyo.

Ayon kay Sangguniang Bayan member Cynthia Bangloy ng Jones, Isabela na siyang naghain ng panukala sa kanilang bayan, karapatan ng publiko na malaman ang lahat ng mga pinag-uusapan ng mga opisyal ng gobyerno sa isang pulong at marapat lamang na walang tinatago ang mga opisyales sa taumbayan.

Gayunpaman, hindi aniya naaprubahan ang kaniyang panukala dahil sa ilang usapin sa kahandaan gaya na lamang ng mga kagamitang gagamitin para sa livestream.

--Ads--

Muli naman itong ipinanawagan ni SP Bangloy sa pamahalaang panlalawigan ng Isabela na kung maaari ay ang Sangguniang Panlalawigan na lamang ang magpasa ng kaparehong panukala.

Samantala, ayon naman kay Isabela Vice Governor Francis Faustino “Kiko” Dy, maganda ang suhestiyon ni SB member Bangloy pagdating sa usapin ng transparency subalit kinakailangan muna itong pag-aralan ng maigi.

Ilan sa mga bagay na kanilang ikinukonsidera ay ang kahandaan ng bawat bayan sa pag-live broadcast ng kanilang mga sesyon.

Hindi kasi lahat ng bayan sa lalawigan ng Isabela ay may maayos na internet connection na isa sa mga pangunahing kailangan sa livestreaming.

Maaari din aniya itong magamit sa hindi magandang bagay kaya kailangan munang pag-aralan ng maigi kung paano ito ipatutupad.