CAUAYAN CITY – Inihayag ng pamunuan ng Public Order and Safety Division (POSD) na panahon na para ma-upgrade ang Alicaocao Overflow Bridge sa Cauayan City.
Ito ay kasunod ng pagkasawi ng isang binata matapos na mahulog sa nasabing tulay habang lulan ng kanyang motorsiklo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Malillin, sinabi niya na ang naturang tulay ay single lane lamang at hindi maaaring magsalubong ang dalawang sasakyan.
Aniya, kailangan nang i-upgrade ang nasabing tulay upang hindi na maulit ang insidente at wala nang buhay na masayang.
Napakahalaga aniya na maisaayos ang tulay dahil marami ang nakikinabang dito hindi lamang ang mga Cauayeño kundi maging ang mga taga-karatig na bayan na dumadaan sa tulay.
Mayroon naman na aniyang dalawang itinatayong tulay sa Cagayan River na nasasakupan ng Barangay San Antonio Callagui at lower portion ng Barangay Alicaocao.
Batay aniya sa mga eksperto, hindi maaaring lagyan ng gutter o harang na bakal ang Alicaocao Overflow Bridge dahil hindi kakayanin ng tulay at maaari itong mawash out.
Ayon kay POSD Chief Malillin, mahigpit naman ang POSD sa pagbabawal sa mga motorista na magsuot ng helmet kapag tatawid sa nasabing tulay dahil magiging sagabal ito kapag nahulog sa tulay.
Kailangan din na bagalan ang speed limit kapag dumadaan sa overflow bridge para maiwasan ang aksidente.
Aniya, may mga Barangay Tanod na nakabantay sa lugar at mas lalo silang naghihigpit sa pagbabantay pagsapit ng Sabado at Linggo lalo na tuwing tag-ulan dahil lubhang mapanganib ang pagbaybay sa tulay sa mga ganitong panahon.
Pinaalalahanan naman niya ang mga magulang na huwag hayaan ang kanilang anak na magmaneho ng motorsiklo lalo na kung wala pa silang driver’s licence.