--Ads--

Hamon ngayon sa mga kasapi ng Department of Public Order and Safety – Santiago City ang pagbaba ng fuel allocation para sa kanilang mga sasakyan na ginagamit sa pagpapatrolya sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Modesto Cabanos III, Department Head I ng DPOS Santiago, sinabi niya na sa kanilang araw-araw na operasyon ay gumagamit sila ng iba’t ibang sasakyan tulad ng motorsiklo, tuktuk, at towing truck, lalo na sa pagpapatrolya at pagtugon sa mga aksidente sa kalsada.

Ayon kay Cabanos, binawasan ang kanilang fuel allotment dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, na direktang nakaapekto sa kanilang kakayahan na magsagawa ng mas malawak na operasyon sa lungsod.

Dahil dito, nagpatupad sila ng iba’t ibang hakbang upang makatipid sa konsumo ng krudo. Kabilang dito ang mas maingat na paggamit ng mga sasakyan, pag-iwas sa mga hindi kinakailangang biyahe, at mas maayos na pagplano ng kanilang mga ruta sa pagpapatrolya.

--Ads--

Binago rin nila ang sistema sa pangongolekta ng traffic violation tickets. Kung dati ay buong team ang idinedeploy sa operasyon, ngayon ay isang tauhan na lamang ang inaatasang mangolekta ng ticket at permit at dalhin ito sa opisina. Layunin nito na mabawasan ang paggamit ng sasakyan at konsumo sa gasolina.

Sa kabila ng limitadong fuel allocation, tiniyak ni Cabanos na magpapatuloy ang kanilang pagbabantay sa mga pangunahing kalsada at lugar sa Santiago City upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.

Dagdag pa niya, patuloy din ang koordinasyon ng DPOS sa iba pang ahensya upang mas mapalakas ang kanilang operasyon kahit may kakulangan sa resources.