--Ads--

Ikinalugod ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Region 2 ang pasya ng Korte Suprema na ibalik ang nasa ₱60 bilyon na excess government subsidies.

Ipinahayag ni Ret. BGen. Llewelyn Binasoy, PhilHealth Regional Vice President, na lubos nilang ipinagpapasalamat ang naging desisyon ng Korte Suprema sa pagpapabalik ng pondo sa naturang ahensya.

Aniya, bagamat wala silang natanggap na pondo mula sa 2025 General Appropriations Act (GAA), nagpatupad pa rin ang ahensya ng 50% increase sa benefit package o case rates dahil batid nila ang pangangailangan ng publiko.

Ngayong maibabalik na ang ₱60 bilyong excess funds sa ahensya, mas marami pang benepisyo ang maipagkakaloob sa mga miyembro.

--Ads--

Isa sa mga programa ng PhilHealth ngayon ang Yakap Program, isang primary care program ng ahensya na inaasahang mas mapapalawig pa sa susunod na taon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng karagdagang tustos para sa mga gamot na pakikinabangan ng mga miyembro.

Nanawagan siya sa media na makipagtulungan sa PhilHealth upang maipaalam ang Yakap Program, na kaiba sa Konsulta Program—isang outpatient benefit program para sa mas accessible at abot-kayang healthcare service kung saan lahat ay maaaring mag-enroll.

Samantala, planong palawigin ng PhilHealth ang Yakap Program sa mga coastal towns ng Isabela.

Ayon kay Ret. BGen. Binasoy, una na silang nakapagsagawa ng information drive at caravan sa Dinapigue, Isabela, kasabay ng launching ng Konsulta Program kasama ang mga komunidad ng Indigenous People (IP).

Sa katunayan, ang RHU Dinapigue ay Konsulta provider na may sapat na tustos ng gamot at laboratory facility.

Umaasa rin ang PhilHealth na magpapatuloy ang programang Doctors to the Barrio, na malaking tulong para sa pagsusulong ng kanilang mga programa, dahil hindi ma-aaccredit ang isang RHU kung walang Municipal Health Officer (MHO).