CAUAYAN CITY – Hiniling na ni Gov. Rodito Albano sa National Inter-Agency Task Force na ibalik na ang Isabela sa Modified GCQ dahil bumaba na ang naitatalang kaso ng virus at dahil nasa MGCQ na ang Lalawigan ng Nueva Vizcaya at Cagayan.
Matatandaang ipinatupad ngayong buwan ng disyembre ang GCQ sa isabela dahil sa pagtaas ng bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Information Officer Elizabeth Binag, sinabi niya na nais ni Gov. Albano na bumalik sa MGCQ ang quarantine classification sa Isabela dahil sa pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa mga nagdaang araw.
Samantala, Dahil nagpaso na ang executive order no. 47 na nagpapatupad ng Liquor ban kahapon ng tanghali ay pinapayagan na ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang pag-inom ng alak para sa selebrasyon ng bagong taon.
Sinabi ni Atty. Binag na pinapayagan na ang mga iinom ng alak ngunit bawal sa mga pampublikong lugar at tanging sa mga bahay ng mga mamamayan lamang ang pinapayagan.
Sakali mang nasa pampublikong lugar ay dapat sundin pa rin ang mga panuntunan at 50% capacity ng establisimiento
Ayon kay Atty. Binag, sa pagpatupad ng National IATF ng GCQ sa lalawigan ay hindi kasama ang liquor ban kaya libre nang uminom ang mamamayan.
Samantala patuloy namang ipinapatupad ang quarantine sa mga mamamayang papasok sa lalawigan at may ilang munisipalidad ang hindi pinapayagan ang home quarantine at dinadala sa quarantine facility ang mga umuuwi.
Aniya wala pang ipinapalabas na ordinansa tungkol sa pagbabawal sa paggamit ng Videoke at Karaoke sa pagdiriwang ng bagong taon kaya ito ay pinapayagan basta hindi nakakaistorbo sa mga kapitbahay.