Mas naghigpit ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagbabantay sa Ipil Bridge sa Echague, Isabela dahil umano sa lumalalang kalagayan ng tulay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Evelyn Costales, District Engineer ng DPWH 4th District, sinabi niya na nagtungo sa lugar ang Structural Engineer ng Central Office upang suriin ang tulay at dito niya napansin na mayroong vibration sa kanang bahagi nito.
Hindi aniya ito normal dahil kinakailangang sa gitna dapat ang vibration na nangangahulugang hindi na ligtas ang tulay para sa mga mabibigat na sasakyan.
Sa ngayon ay 7 tons pababa na lamang ang pinahihintulutang tumawid.
Naglagay naman na ang kagawaran ng 2.8m vertical clearance sa national highway patungong Ipil Bridge upang matiyak na walang makakatawid na malalaki at mabibigat na sasakyan gaya ng truck at bus.
Pahirapan naman aniya ang pagbabantay dahil may mga pagkakataon na binubundol ng mga malalaking sasakyan ang vertical clearance dahilan upang masira o mayupi ang mga ito.
May mga pagkakataon din umano na nakatatanggap ng hindi magandang trato ang mga kawani ng DPWH na nagbabantay sa tulay kung saan sila ay minumura ng mga hindi nila pinatatawid sa tulay at mayroon pa umanong naglabas ng samurai.
Ayon kay Engr. Costales, medyo may katagalan pa bago mabuksan sa malalaking sasakyan ang Ipil Bridge dahil wala pang nakalaang pondo para sa replacement.
Gayunpaman, mayroon nang P200 million na pondo para sa parallel bridge na nakatakdang ipatayo sa tabi ng Ipil bridge at kasalukuyan na ang paggawa ng disenyo para rito.











