
CAUAYAN CITY– Mahigpit na binabantayan ang mga entry points sa mga high risk area malapit sa bulkang Taal sa Batangas
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Kelvin John Reyes, Public Information Officer ng OCD Calabarzon na may mga checkpoint na inilagay sa mga border control points sa Agoncillo at Laurel, Batangas upang bantayan ang mga residente na nasa evacuation center na maaaring uuwi lalo na sa gabi.
Sa ngayon ay nasa 1,060 na pamilya o 3,850 na tao ang nasa 16 evacuation center sa limang barangay sa bayan n Agoncillo.
Batay sa resolusyon ng Protected Area Management Board na may sakop sa Bulkang Taal, pinapayagan lamang na makapunta sa lawa malapit sa bulkan ang mga magsagawa ng emergency harvest at magtatanggal ng mga patay na isda sa kanilang fishpen.
Mahigpit aniyang minomonitor ng PHIVOLCS ang aktibidad ng bulkan para malaman kung kailan ibababa ang alert level .
Habang wala pang abiso ang mga eksperto sa Phivolcs hinggil sa lagay ng bulkang taal ay mananatili sa mga evacuation center ng mga tao.
Ayon kay Ginoong Reyes, sa paghahatid ng mga food at non-food items ay kailangan ng request for exemptions sa Comelec para hindi magamit sa pulitika ang ibinibigay ng ayuda.
Nakalagay sa resolusyon ng Comelec na kailangang dumaan sa 3rd party tulad ng Philippine red Cross ang pamamahagi ng ayuda.
Gumagawa na ng hakbang ang OCD Calabarzon para maging maayos ang pamamahagi ng ayuda kapag nagtagal ang pananatili ng mamamayan sa mga evacuation center.










