Mahigpit na ipinatutupad ng pamahalaang bayan ng San Mateo, Isabela ang Municipal Ordinance No. 2012-630 na nagbabawal sa paggamit ng plastic sa loob ng pamilihang bayan, na nagresulta sa kapansin-pansing pagbawas ng plastic waste sa kanilang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jonathan Neil Galapon ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), sinabi nitong hindi pinapayagan ang paggamit ng plastic lalo na sa mga dry goods tulad ng sariwang gulay, prutas at grocery items. Gayunman, maaari pa ring gumamit ng supot sa mga wet goods gaya ng isda, karne, mantika, at mga peeled vegetables at fruits.
Ayon kay Galapon, ang mga mahuhuling lumalabag sa ordinansa ay pinapatawan ng ₱200 multa, may katumbas na ticket, at isang araw na community service. Inamin nito na noong una ay marami ang hindi sumusunod sa patakaran. Bagama’t walang probisyon ang ordinansa na magbigay muna ng babala, minabuti niyang paalalahanan muna ang mga nagtitinda upang mabigyan sila ng sapat na panahon na makapag-adjust at mabago ang nakasanayang paggamit ng plastic.
Dagdag pa niya, nang ipatupad ang isang araw na community service, napagtanto ng mga tindero na mas malaki ang kanilang malulugi kung magsasara sila ng isang araw. Dahil dito, mas naging mahigpit ang pagsunod sa ordinansa hanggang sa halos wala na umanong lumalabag. Sa katunayan, sinabi niyang bilang na lamang sa kamay ang mga hindi sumusunod sa kasalukuyan.
Paglilinaw niya, pinapayagan ang paggamit ng reusable grocery bags mula sa malalaking pamilihan, subalit mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng sando bags at manipis o malabong plastic. Bunga nito, bumaba ang timbang ng mga basurang nagmumula sa mga barangay na dinadala sa sanitary landfill ng bayan.
Samantala, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-80 Founding Anniversary ng San Mateo, nakatakdang idaos ang Barangay Night sa Marso 13. Gagawaran ng parangal ang limang mapipiling model barangays na may papremyong ₱100,000 para sa unang gantimpala; ₱90,000 sa ikalawa; ₱80,000 sa ikatlo; ₱70,000 sa ikaapat; at ₱60,000 sa ikalima, bukod pa sa limang consolation prize na tig-₱10,000.









