CAUAYAN CITY – Malaking hamon para sa Commission on Election ang rekomendasyon nito sa Comelec En Banc na pagbabawal sa paggamit ng artificial intelligence sa mga campaign materials sa darating na 2025 midterm elections.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Armado Velasco, Former Comelec Commissioner, sinabi niya na bagama’t isa itong magandang development para sa Comelec ay malaking problema naman umano ang implementasyon nito.
Aniya, wala pang umiiral na batas na nagbabawal sa paggamit ng Artificial Intelligence at kailangan ding suriin kung mayroon bang gamit na teknolohiya ang ahensya sa pag-detect ng AI kaya kinakailangan itong pag-aralan ng mabuti.
Kailangan namang makipag-ugnayan ng Comelec sa mga Information Technology o IT Experts kung paano matutugunan ang mga problema sa pagpapatupad nito.
Maliban sa pagbabawal sa paggamit ng Artificial Intelligence ay kinakailangan ding paigtingin ang pag-monitor sa vote buying para magkaroon ng patas na halalan sa Pilipinas.
Hiniling naman niya ang kooperasyon ng mga botante sa pamamagitan ng paggampan sa kanilang obligasyon na makatutulong upang maisakatuparan ng Comelec ang kanilang mandato.