--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagdulot ng pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente sa malawak na bahagi ng Ramon, Isabela ang aksidenteng naganap sa Rizal, Santiago City.

Batay sa pagsisiyasat ng Santiago City Police Office (SCPO) Traffic Enforcement Unit, binabagtas ng van na minaneho ni Rubino Montaad, nasa tamang edad at residente ng Sta. Maria Alfonso Lista, Ifugao ang Pambansang Lansangan mula sa Brgy. Rizal patungong Barangay Mabini nang bigla na lamang sumabog ang kanang harapang gulong ng van.

Nawalan ng kontrol sa manibela ang tsuper sanhi upang kabigin nito pakanan ang van at dumiretso sa isang drainage canal.

Bumangga rin ito sa isang electric post sa right shoulder lane ng daan sanhi upang mawalan ng tustos ng kuryente ang malawak na bahagi ng bayan ng Ramon.

--Ads--

Nagtamo naman ng galos at sugat ang biktima na nawalan pa ng malay gayunman ay naitakbo rin sa pagamutan ng rumespondeng mga kasapi ng Rescue 1021.

Inaalam pa ang halaga ng pinsalang iniwan ng aksidente habang patuloy na nagpapagaling si Montaad.