
CAUAYAN CITY – Patuloy ang malalimang pagsisiyasat ng City of Ilagan Police Station para matukoy ang mga salarin at ang motibo sa pagbaril at pagpatay kahapon sa Department Manager ng Isabela Electric Cooperative o ISELCO 2 sa harapan ng isang gasolinahan sa Brgy. San Felipe, Lunsod ng Ilagan.
Ang biktima ay si Ginang Agnes Palce, bagong talagang Internal Audit Manager ng ISELCO 2, residente ng Barangay 2, Tumauini, Isabela at misis ni Judge Ariel Palce, Presiding Judge ng Cauayan City RTC Branch 40.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay General Manager Dave Solomon Siquian ng ISELCO 2 sinabi niya na katatapos lamang ang kanilang pagpupulong at pauwi na sila nang mabalitaan ang pamamaril kay Ginang Palce sa Barangay San Felipe.
Naitakbo pa sa ospital ang biktima ngunit binawian din ng buhay dahil sa tama ng bala ng baril sa bandang tainga.
Ayon kay Ginoong Siquian, gamit ni Ginang Palce ang service vehicle ng Audit Department ng ISELCO 2 at may kasama siyang driver at empleyado sa sasakyan nang mangyari ang pamamaril.
Batay sa pahayag ng kasama ng biktima binaril siya ng mga suspek na sakay ng motorsiklo habang sila ay pauwi n sa Tumauini, Isabela.
Ayon kay General Manager Siquian masayang nagpaalam ang biktima sa kanila matapos ang kanilang pulong kahapon ng hapon dahil mayroon silang field trip sa Biyernes ng kanyang department staff.
Hindi nila lubos maisip na mangyayari ito kay Ginang Palce dahil siya ay mabait at wala silang alam na kanyang nakaalitan.
Panawagan ng pamunuan ng ISELCO 2 sa mga mamamayang nakakita sa pamamamril na magbigay ng impormasyon sa mga awtoridad para sa matukoy ang mga salarin at mabigyan ng hustisya ang pagpatay kay Ginang Agnes Palce.










