CAUAYAN CITY- Kinumpirma ni Sr. Supt. Reynaldo Garcia, ang Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office na ang kaugnayan sa ilegal na droga ang isa sa masusi nilang sinisiyasat sa pinakahuling insidente ng pamamaril sa Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Supt. Garcia, kanyang kinumpirma na kasama sa PDEA drug watchlist ang nasawing biktima na si Socrates Bala Sr.
Kasama ni Bala na binaril patay si Christine Kaye Rocas, dalawampung taong gulang ng Brgy. Minante Uno, Cauayan City.
Aniya, nakikipag-ugnayan na rin sila sa pamilya ng mga biktima upang makakalap ng karagdagang impormasyon para sa ikalulutas ng kaso.
Nauna nang kinumpirma ng Cauayan City Police Station na si Socrates Bala Sr. ay tokhang responder maging ang isa pang nasawi na si Rocas,
Samantala, sa pagtungo naman ng Bombo Radyo sa mga kaanak ni Rocas sa Brgy, Minante Uno, kanilang sinabi na hindi nila malaman kung ano ang ugnayan ng dalawang biktima.
Anila, bihira lamang magtungo sa kanilang lugar si Rocas at hindi rin nila malaman kung ano ang trabaho nito.
Napag-alaman pa ng Bombo Radyo Cauayan na nagpositibo sa ipinagbabawal na gamot si Rocas sa isinagawang random drug testing noong nakaraang linggo.




