--Ads--

CAUAYAN CITY- Kabi-kabilaan ang pagbati na natatanggap ng mga Pilipino sa Paris, France mula sa mga banyaga matapos makasungkit ng dalawang gintong medalya si Pinoy Gymnast Carlos Edriel Yulo sa nagpapatuloy na Paris Olympics 2024.

Nagtala ng kasaysayan si Yulo matapos nitong pagharian ang men’s artistic gymnastics vault at men’s artistic gymnastics floor exercise na ginanap sa Bercy Arena.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bombo International News Correspondent Dick Villanueva na lahat ng mga makasalubong nilang banyaga mula sa iba’t ibang bansa gaya ng China at Armenia ay nagpapaabot sa kanila ng pagbati at paghanga sa pambato ng Pilipinas.

Marami ring tagasuporta na foreigner si Yulo na nag-aabang sa labas ng Arena para magpakuha ng litrato at autograph.

--Ads--

Nakakataba aniya ng puso na kaisa ng mga Pinoy ang mga katunggali nitong bansa sa tagumpay na nakamit ng Pilipinas sa Olympics.

Hindi naman maiwasan ng mga Pinoy sa Arena ang maging emosyonal nang tugtugin sa pangalawang pagkakataon ang Pambansang Awit ng Pilipinas sa Paris.

Umaasa naman siya na madadagdagan pa ang gintong medalya ng Pilipinas sa pamamagitan nina Pinay Boxers Nesthy Petecio at Aira Villegas.