CAUAYAN CITY – Pinahihintulutan sa lungsod ng Cauayan ang mga nagbibilad o nagpapatuyo ng palay at mais sa mga farm to market o brgy. roads.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na dahil sa sunud-sunod na bagyong naranasan ay hindi naman aniya kalabisan kung pahihintulutan ang mga magsasaka at mga traders na magpatuyo ng kanilang produkto sa mga daanan.
Paglilinaw lamang ng POSD na dapat ay hindi mas maluwag ang bahagi ng daan na occupied ng mais para may madaanan pa rin ang mga motorista.
Hindi naman aniya naaalis ang katotohanan na delikado ito sa mga motorista kaya kalahati o limitadong bahagi lamang ng daan ang pinahihintulutang na gamitin.
Konting konsiderasyon lamang aniya ito para sa mga motorista lalo pa at hindi naman magtatagal ang pagbibilad ng mais sa kalsada.
Tiniyak naman ng POSD Chief na tuluy-tuloy ang kanilang gagawing pagbabantay sa National Highway at maging sa farm to market roads upang matiyak na sumusunod ang mga residente.