--Ads--

CAUAYAN CITY- Inasahan na ng isang political analyst na aalis si Vice President Sara Duterte bilang cabinet member ng administrasyong Marcos.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst at Constitutionalist, sinabi niya na maraming ispekulasyon na ang pagbibitiw ni VP Sara bilang Cabinet Secretary, Secretary of the Department of Education at Vice Chairperson ng NTF-ELCAC ay dahil sasali na ito sa opposition party pangunahin sa pamumuno ng kanyang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte.

Normal na aniya itong nangyayari sa pulitika sa Pilipinas na kapag kumalas ang isang pulitiko sa administrasyon ay nagiging oposisyon na ito lalo na kay VP Sara na ang ama ay isa sa pinakamaigting na kumokontra kay Pangulong Marcos.

Nangyari na aniya ito nang kumalas si dating Vice President Jejomar Binay sa Administrasyon ni dating pangulong Noynoy Aquino.

--Ads--

Sakali man aniyang maging oposisyon na si VP Sara ay inaasahan na ang mainit at entertaining na political issues sa mga susunod na buwan hanggang sa 2025 elections.

Maraming mga gusto si VP Sara na hindi naibigay ni Pangulong Marcos tulad ng nais nitong maging kalihim ng National Defense at ang hindi pagbibigay ng intelligence fund maging ang pagpasok ng pinsan ng pangulo na si House Speaker Martin Romualdez.

Nagkapatung-patong na aniya ang mga dahilan ng bise presidente na kumalas na sa gabinete ng pangulo dahil sa magkaiba nilang interes sa pulitika.

Isang malaking hamon naman ito ngayon kay Pangulong Marcos na kailangang mag-appoint ng bagong kalihim ng DepEd na nahaharap pa rin sa krisis sa edukasyon.

Umaasa naman siya na ang susunod na kalihim ay isang competent, may kwalipikasyon at experience sa sektor ng edukasyon upang masolusyunan ang mga kinakaharap na hamon ng departamento.