--Ads--

Hindi na ikinagulat ng isang political analyst at constitutionalist ang pag-alis sa puwesto ng ilang matataas na opisyal ng pamahalaan, partikular sina Executive Secretary Lucas Bersamin at DBM Secretary Amenah Pangandaman, dahil sa kanilang papel sa budget process na isang bahagi ng pamahalaan na madalas umanong inuugnay ng publiko sa pork barrel corruption.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, isang Political Analyst at Constitutionalist, sinabi niyang inaasahan na umano ang posibilidad ng kanilang pag-alis. Ayon sa kanya, hindi malayong mangyari ito dahil maaaring masangkot ang sinumang may kinalaman sa budget process sa mga imbestigasyon at posibleng prosekusyon kaugnay ng umanoy pork barrel corruption.

Dagdag pa niya, dapat umano ay kwalipikado at may sapat na karanasan ang mga opisyal na itatalaga ng Pangulo, at hindi basta-basta nagmumula sa mga kaalyado, kaibigan, o personal na kakilala. Binanggit niyang may mga nagbitiw nga sa puwesto, ngunit ang mga pumalit ay hindi naman umano nakapagbibigay ng katiyakan o tiwala sa publiko.

Nilinaw rin ni Yusingco na ang pagbibitiw sa puwesto ay hindi nangangahulugang ligtas na ang isang opisyal sa posibleng pananagutan. Kung mapatunayang may kinalaman sila sa anumang uri ng korapsyon, maaari pa rin silang masampahan ng kaso ng Ombudsman.

--Ads--

Giit pa niya, tatahimik lamang ang galit ng publiko kapag may nakikitang aktwal na nakukulong o napapanagot na mataas na opisyal ng pamahalaan at hindi sa simpleng pagpapalit lamang ng mga taong nakaupo sa pwesto.

Samantala, binigyang-diin din ni Yusingco na napakababa at napakadumi na ng antas ng politika sa bansa, kung saan nawawala na ang respeto ng mga politiko sa isa’t isa, maging sa mga botante at mismong sistema. Tinukoy niya rito ang naging kilos ni Sen. Imee Marcos laban sa Pangulo bilang “fatal,” at aniya, kung matagal nang alam ang mga akusasyon, bakit pa umano ito sinuportahan noong nakaraang eleksyon.

Sa huli, ipinaliwanag ni Yusingco na malabong magkaroon ng “destabilization” sa bansa sa kabila ng mga isyu. Ayon sa kanya, ang destabilization ay tumutukoy sa anumang kilos o pangyayaring magpapahina o magpaguho sa katatagan ng pamahalaan tulad ng kudeta, malawakang pag-aalsa, o pag-atras ng suporta mula sa mahahalagang institusyon. Giit niya, wala siyang nakikitang sapat na pwersa o grupong magdudulot ng ganitong uri ng banta kaya’t nananatiling matatag ang pamahalaan sa kasalukuyan.