--Ads--

CAUAYAN CITY – Itinaas pa ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa dalawamput anim na piso ang kanilang pagbili ng palay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Elizabeth Binag, ang Public Information Officer ng Isabela sinabi niya na tuluy-tuloy ang pagbili ng pamahalaang panlalawigan sa mga aning palay ng magsasaka na may sinasaka na dalawang ektarya pababa at bilang tulong ay tinaasan pa ng piso ang dating presyo na 25 pesos per kilo na itinakda ng pamahalaang panlalawigan.

Aniya itinaas nila ang presyo dahil napansin nilang tumaas din ang pagbili ng mga palay traders.

Sa pamamagitan nito ay umaasa sila na mas mahikayat ang mga magsasaka pangunahin na ang mga small farmers na magbenta sa pamahalaang panlalawigan at upang matiyak na hindi sila malugi sa kanilang ani.

--Ads--

Tiniyak ni Atty. Binag na pareho pa rin ang mga requirement sa pagbenta ng palay tulad ng libreng transportasyon basta makipag ugnayan sa tanggapan at sa municipal agriculture office upang akuin ng pamahalaang panlalawigan ang pagtransport sa mga ibebentang aning palay ng mga magsasaka kung hindi available ang truck ng barangay.

Ayon kay Atty. Binag, ngayong nadagdagan ang dating buying price ng palay ay muli niyang hinihikayat ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang mga produkto sa mga susunod pang mga araw.

Sa ngayon, ang Palay Buying center ng Pamahalaang Panlalawigan ay sa NPGC White Triplex Warehouse sa Brgy. Sinabbaran, Echague, Isabela.

Aniya nakalikom na sila ng halos limang libong sako ng palay at may mga inaasahan pang mahigit dalawang libong sako na idedeliver.

Wala aniyang target na bilang ang pamahalaang panlalawigan dahil sila ay bibili hanggang may mga maliliit na magsasakang magbebenta.