Excited na dinumog ng maraming mga Isabelino ang pagbubukas ng Bambanti Village kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Tourism Officer Joan Dy-Maranan sinabi niya na bahagyang nagkaroon ng mabigat na daloy ng trapiko sa harapan ng Provincial Capitol dahil sa pagdagsa ng mga local tourist na nais masilayan ang mga aktibidad sa Bambanti Village.
Pormal nang binuksan ang 34 na Bambanti Booth o Agri Eco-tourism booth tampok ang mga ipinagmamalaking produkto ng bawat Bayan sa Isabela.
Ilan sa mga magiging batayan ng Provincial Tourism Office para sa pagpili ng Bambanti Booth ay ang creativity sa paggawa ng booth gamit ang mga biodegradable materials gamit ang kanilang pangunahing produkto.
Samantala, naging matagumpay ang katatapos na Isabela Got Talent Grandfinals kung saan ang Grand Winner ay si Ralph angelo Babaran ng Santiago City, 1st runner-up si Jovielyn Bacani ng Delfin Albano, Isabela, at 2nd runner-up si Ayson Bauit ng City of Ilagan.
Ang Grand Winner ay nag-uwi ng tumataginting na P100,000 cash, tropeyo, smartphone at isang 55-inch smart TV.
Ang Grand champion ay magpeperform kasama ang mga featured Artist sa Bambanti Music Festival.
Sa mga susunod na araw ay napakarami pang mga aktibidad ang kanilang inihanda isa na rito ang Grand Coronation night ng Queen Isabela na gaganapin sa The Capital Arena sa January 23 araw ng Huwebes.
Inanyayahan naman ng Provincial Government ng Isabela ang lahat na makiisa at makisaya sa Bambanti Festival 2025.