CAUAYAN CITY – Maayos at makulay ang pagbubukas kahapon ng Regional Invitational Sporting Events o DepEd Dos RISE 2022 na pinangunahan ni Regional Director Benjamin Paragas ng Dep-Ed Region 2.
Kapansin-pansin ang saya at excitement ng mga atleta at mga sports officials habang pumaparada ang bawat delegasyon na nagmula sa iba’t ibang lalawigan at Lunsod sa Region 2.
Kumpleto ang mga delegasyon na mula sa mga lalawigan ng Isabela, Cagayan, Nueva Vizcaya, Batanes, Quirino at mga Lunsod ng Cauayan, Ilagan, Santiago at Tuguegarao.
Naging makulay ang pagbubukas ng RISE 2022 at may presentation ang bawat delegasyon na sinundan ng fireworks display.
Samantala sa naging pagsasalita ni Regional Director Benjamin Paragas ng DepEd Region 2, kanyang inihayag na maituturing na unique event ang 2022 DepEd Dos RISE na sa pamamagitan ng Sports o palakasan ay maipapakita ang kakayahan ng bawat isa na magtagumpay sa kabila ng mga nararanasang hamon.
Sinabi pa ng Regional Director na hindi lamang bibigyan ng quality basic education ang mga mag-aaral kundi pagyamanin din ang curriculum sa larangan ng palakasan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng DepEd Dos RISE 2022.
Naniniwala ang Regional Director na magiging matagumpay ang DepEd Dos RISE 2022 sa kabila ng mga hamon na kinakaharap sa pamamagitan ng pagtutulungan, pagkakaisa at teamwork.