--Ads--

Mag-uumpisa na ang National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System o NIA-MARIIS sa pagpapatubig para sa wet cropping season simula ika-anim ng Mayo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division ng NIA-MARIIS sinabi niya na nagpapatuloy ang maintenance at pagsasaayos sa mga irrigation canals.

Layunin ng isinasagawang maintenance at repair na mapabuti ang daloy ng tubig sa irigasyon at mas episyente ang patubig sa mga sakahan para sa susunod na cropping season.

Marami aniyang irrigation canals ang nagkakaroon ng leakages at malaking kabawasan ito sa mga sakahang naaabot ng patubig.

--Ads--

Tiniyak naman niya ang kahandaan ng NIA-MARIIS sa pag-uumpisa ng pagpapatubig nila sa mga sakahan sa ikaanim ng Mayo para sa mga mas malapit na sakahan habang sa Ikasampu ng Mayo ay maaring naabot na ang pinakababang mga sakahan sa kanilang nasasakupan.

Aniya ilan sa mga pangunahin nilang tinutukan sa cutoff ng patubig ang mga warning systems at rain gauges maging sa paglilinis sa mga debris sa irigasyon na kabilang sa kanilang annual preventive maintenance.

Patuloy na rin aniya sa pagtaas ng lebel ng tubig sa Magat Dam kahit tuluy-tuloy ang pagpapakawala ng tubig para sa power generation kaya tiyak na magiging sapat ang patubig sa wet cropping season.