CAUAYAN CITY – Iginiit ng Administrative Officer ng Land Transportation Office (LTO) Region 2 na dapat ikunsidera ang mga tricycle sa inilabas na Memorandum Circular no. 2020-036 ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Administrative Officer Manny Baricaua ng LTO Region 2, sinabi niya na kung sa personal niyang opinyon ay dapat lamang na ikunsidera ang mga tricycle sa panibagong inilabas ng DILG na Memorandum Circular tungkol sa tuluyang pagbabawal sa mga tricycle sa mga pambansang lansangan.
Aniya, naging traditional mode of transportation na ang mga tricycle sa Region 2 dahil noong panahon pa lamang ng 70s at 80s na kakaunti pa lamang ang sasakyan ay ginagamit na ng karamihan ang kalesa o tricycle.
Ayon kay Ginoong Baricaua, naiintindihan niya na pangunahing ikinukunsidera dito ay ang kaligtasan ng mga mananakay subalit kailangan din sanang ikunsidera ang karamihan lalo na at maraming lugar ang hindi pwedeng puntahan kung hindi dadaan sa mga pambansang lansangan.











