Muling nagpaalala ang PNP Cauayan Airport sa mga pasahero hinggil sa mahigpit na pagbabawal sa pagdadala ng bala o ammunition sa loob ng paliparan.
Ayon kay PMAJ Onasis Culili, Chief of Police ng PNP Airport, patuloy pa rin silang nakakapagtala ng mga insidente kahit paulit-ulit na ang kanilang paalala sa publiko.
Ibinahagi ni PMAJ Culili na kadalasan ay mga matatandang kababaihan ang kanilang nahuhuling may dalang bala, na sinasabing ginagamit umano bilang anting-anting.
Kamakailan lamang, nasabat ng kanilang hanay ang humigit-kumulang 50 piraso ng bala na nakatakdang dalhin umano sa bayan ng Palanan. Agad namang inaksyunan ng mga awtoridad ang insidente at sinampahan ng kaukulang kaso ang naturang pasahero.
Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang pagpapatupad ng OPLAN Kontra Kontrata, kung saan mahigpit na minomonitor ng PNP Airport, katuwang ang LTO, POSD at HPG, ang mga tricycle na naglalabas-masok sa paliparan. Paalala ni Culili, mahigpit na ipinagbabawal ang “kontrata” o ang hindi awtorisadong pamamasada ng mga tricycle sa loob at paligid ng airport.
Dagdag pa niya, may mga nahuhuli rin silang mga kolorum na sasakyan na agad nilang isinusumbong sa LTO para sa kaukulang aksyon.
Patuloy na nananawagan ang PNP Cauayan Airport sa mga pasahero at motorista na sundin ang umiiral na regulasyon upang maiwasan ang aberya at posibleng paglabag sa batas.







