--Ads--

CAUAYAN CITY – Ikinaalarma ng isang security expert ang pagdagsa ng mga Chinese students sa lalawigan ng Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Chester Cabalza, security expert at founding president ng isang think tank international development and security cooperation at propesor sa University of the Philippines na hindi na bago ang pagdagsa ng mga foreigner sa Cagayan dahil may ibang lahi naman na nagtutungo sa probinsya pero ang nakakagulat ay ang pagdami ng mga Chinese nationals na estudyante.

Hindi aniya ito normal dahil sa biglaang pagdami ng kanilang bilang.

Bagamat sinasabing may kaukulang dokumento ang naturang mga Chinese students ay nakakapagtaka na naitaon ito noong nagkaroon ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa Cagayan.

--Ads--

Dahil dito ay nakakaduda aniya ang kanilang pagdating dahil posibleng ang mga estudyanteng ito ay pwedeng magamit sa pang-e-espiya.

Kung totoo aniya ang sinasabing may kasunduan ang Commission on Higher Education (CHED) at China ay dapat maging transparent ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan para alam din ng publiko.

Dapat ding isaalang-alang ang national security.

Pabor naman siya na magkaroon ng imbestigasyon sa kongreso pero sana huwag itong gamitin para sa susunod na halalan sa 2025.

Tinig ni Dr. Chester Cabalza.