CAUAYAN CITY – Nagulat ang marami sa personal na pagdalo ni Pangulong Volodomyr Zelensky ng Ukraine sa Group of Seven (G7) Summit sa Japan na nagsimula kahapon at magtatagal hanggang May 21.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Hannah Galvez marami ang nagulat sa pagdalo ni Zelensky dahil sa nagpapatuloy pa ang giyera ng Ukraine laban sa Russia.
Ang G7 Summit ay isinagawa sa lunsod ng Hiroshima at ang mga magiging topiko ay geopolitical, economic at climate issues habang nagpapatuloy ang Ukraine-Russia war maging ang tensyon sa pagitan ng China at United States.
Ilan sa tinalakay ng G7 leaders ang pagpapataw ng mas mahigpit pa na mga economic sanctions laban sa Russia sa unang araw ng G7 summit.
Kabilang dito ang planong pagbabawal ng pag-export ng mga dyamante ng Russia.
Ayon kay Galvez makasaysayan ang pagpili sa Hiroshima bilang venue ng G7 Summit dahil sa malaking pangyayari dito noong world war 2 na binomba ng Estados Unidos.
Aniya malaking mensahe ang maaring mapulot dito dahil ipinapahiwatig ng Hiroshima ang pagbangon mula sa masalimuot na nakaraan nito.
Isa rin ang world peace na maaring ipunto sa pagpili ng G7 sa Hiroshima dahil sa nagpapatuloy na tension sa pagitan ng Ukraine at Russia maging ang lumalalang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at China.
Aniya napakalaki ang pagbabago ng nasabing lunsod na nakarekober sa nuclear bombing at isa na ngayong tourist spot.
Umaasa ang Hiroshima na hindi na maulit pa ang pangyayaring pambobomba dahil magdudulot ito ng pagkamatay ng maraming tao.