--Ads--

Nagdudulot ngayon ng masikip na daloy ng trapiko sa lungsod ng Cauayan ang pagdami ng mga motorista dahil sa holiday season.

Nararanasan kasi ang masikip na daloy ng trapiko sa sa national highway na nasasakupan ng lungsod mula ala-una ng hapon hanggang alas sais ng gabi.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division o POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na napakalaking volume ng mga sasakyan ngayon ang dumarating o dumadaan sa national highway na nagdudulot ng pagsikip ng trapiko.

Aniya nasa tatlong minuto lamang naman ang tagal ng pagbaybay sa kalsada sa lungsod at umuusad pa rin ang mga sasakyan hindi katulad sa ibang lugar na halos abutin ng ilang oras na nakahinto.

--Ads--

Nagsisimula ang pagsikip ng trapiko sa tapat ng footbridge sa harapan ng pribadong pamilihan hanggang sa intersection sa San Fermin kung saan maraming sasakyan dahil sa maraming munisipalidad ang nagkokonekta rito.

Aniya inasahan na nila ito dahil holiday season kaya nagpakalat na lamang sila ng mga personnel na magmamando sa mga lansangan upang maiwasan ang paglabag sa trapiko ng ilang motorista na nakikipaggitgitan sa mga kasabay na sasakyan.

Inaasahan din nilang mas lalong sisikip ang daloy ng trapiko sa araw ng sabado at linggo dahil sa mga uuwi para magpasko sa kanilang mga bayan kaya pinaalalahanan niya ang mga motorista na magbaon ng pasensya at iwasan na lamang ang pagbaybay sa lansangan tuwing rush hour.