Dumagsa ang mga debotong Katoliko sa Our Lady of the Pilar Church sa Cauayan City para sa pagdating ng Itim na Nazareno.
Ang itinakdang pagdalaw ng Nazareno sa lungsod ay hanggang Agosto 17.
Kabilang sa mga itinakdang kaganapan ngayong araw ang Sunday Mass at motorcade, kung saan ililibot sa iba’t ibang barangay ang imahe ng Nazareno.
Samantala, maging ang ilang vendor mula Quiapo ay nagtungo rin sa Cauayan City, hindi lamang upang magtinda kundi upang magpahayag ng kanilang pananampalataya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rodelyn Gardose, isang vendor mula Quiapo, sinabi niyang kahit malayo ang Isabela ay hindi sila nagsisising bumiyahe rito. Aniya, sa bawat lugar na kanilang pinupuntahan, lalo pang tumitindi ang kanilang pananampalataya.
Dagdag pa niya, namana niya sa kaniyang mga magulang ang kanilang negosyo at pagiging relihiyoso. Sa loob ng 46 na taon ng kanilang pagtitinda, nanatili ring matatag ang kanilang debosyon.
Ayon kay Gardose, kagagaling lamang nila sa Aklan kung saan nakaranas sila ng malakas na bagyo, ngunit mas lalo pa umano silang pinatatag ng kanilang pananampalataya at natutupad ang kanilang mga kahilingan.











