CAUAYAN CITY – Inaayos na ng Department of Agriculture (DA) Region 2 ang mga dokumento na kailangan para sa kahilingang maideklara ang Nueva Vizcaya bilang Ginger Capital of the Philippines at Banana-Saba Capital of the Philippines naman sa lalawigan ng Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Executive Director Rose Mary Aquino ng DA Region 2 na ang resolusyon ng Provincial Local Government Unit ng Nueva Vizcaya tungkol sa kahilingan nila na ikonsidera na ideklara ang Nueva Vizcaya bilang ginger capital of the Philippines ay inaayos na nila ang justification para maisumite na sa kanilang Central Office.
Umaasa naman sila na maideklara ito sa pamamagitan ng administrative order.
Ang proposal naman ng Provincial Local Government Unit ng Quirino na maideklara silang Saba Banana Capital of the Philippines ay nagkaroon na sila ng pagpupulong at pinayuhan na silang ayusin ang kanilang justification.
Puntirya nilang ngayong buwan ng Pebrero ay maiayos na at maisumite na rin sa DA Central Office.
Kung pagbabasehan aniya ang production volume at sustainability ng production, supply at value chain ay pwede namang ideklara ang Quirino.
Ayon kay Regional Executive Director Aquino, malaking tulong ito dahil magiging bahagi ito ng agri tourism ng isang lugar at mayroon ding revenue collection.
Maari namang sabay na maisumite ang papel ng dalawang probinsya at depende na sa kanilang central office kung sila ay papayagan.
Tinig ni Regional Executive Director Rose Mary Aquino ng DA Region 2.