Hinikayat ng Department of Agriculture Region 2 ang mga magsasaka sa rehiyon na gumamit ng compost fungus activator upang mapabilis ang pagkabulok ng mga dayami at iba pang pinag-anihan ng palay at magamit ito bilang organikong pataba sa susunod na cropping season.
Ayon sa ahensya, bahagi ito ng programa upang matulungan ang mga magsasaka na makabawas sa gastos sa abono, lalo na sa gitna ng posibilidad ng kakulangan sa suplay ng petrolyo at pagtaas ng presyo ng mga imported na fertilizer dahil sa tensyon sa Middle East.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Rose Mary Aquino ng DA Region 2, sinabi niya na mahalagang maipaalam sa mga magsasaka ang alternatibong paraan ng pagpapabuti ng lupa upang hindi sila lubos na umasa sa mamahaling chemical fertilizers na kadalasang inaangkat mula sa ibang bansa.
Ipinaliwanag ni Aquino na ang compost fungus activator ay iniispray sa mga dayami at pinag-anihan ng palay upang mapabilis ang natural na proseso ng pagkabulok ng mga ito. Kapag nabulok, nagiging organikong pataba ang mga dayami na makatutulong sa pagpapayaman ng sustansya ng lupa para sa susunod na taniman.
Dagdag pa niya, bukod sa pagpapababa ng gastos sa produksyon, nakatutulong din ang paraang ito sa pangangalaga sa kalikasan, dahil nababawasan ang pagsusunog ng dayami sa bukirin na karaniwang nagdudulot ng polusyon sa hangin.
Ayon sa DA, sa paggamit ng compost fungus activator, maaaring makatipid ang mga magsasaka ng hanggang dalawang sako ng chemical fertilizer kada ektarya, depende sa kondisyon ng lupa at dami ng organikong materyales sa bukid.
Giit niya, matagal na nilang ipino-promote ang paggamit ng compost fertilizer, ngunit hindi ito lubos na tinatangkilik dahil sa availability ng chemical fertilizers na agad nagagamit, hindi tulad ng compost na kailangan munang iproseso bago mapakinabangan.
Nagsasagawa naman ang DA Region 2 ng information campaigns at training para sa mga magsasaka upang maipakita ang wastong paggamit ng teknolohiyang ito at mahikayat silang gumamit ng mas sustainable at mas murang pamamaraan sa pagsasaka.











