--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinalawig ng Regional Inter-Agency Task Force for COVID  at Department of Education (DepEd) ang paggamit ng mga Local Government Unit (LGU) sa mga paaralan bilang quarantine facility hanggang July 31, 2020.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Romeo Palattao, project development officer 2 at head ng Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ng DepEd Region 2,  sinabi niya na batay sa unang inilabas na Memorandum of Agreement (MOA) ng DepEd Region 2 at mga mayor ay gagamitin lamang ang mga pasilidad hanggang June 30, 2020.

Gayunman, sa pulong ng Regional Inter-Agency Task Force on COVID ay  hiniling ng ilang mayor  na mapalawig hanggang July 31, 2020 ang paggamit sa ilang paaralan bilang quarantine facility.

Inihayag ng DepEd na sa bawat bayan o lunsod  ay isang paaralan lamang ang maaaring gamitin na quarantine facility.

--Ads--

Layunin nitong mabigyan ng panahon ang pamunuan ng mga paaralan na ginamit na quarantine faciltity na magsagawa ng malawakang disinfection bilang paghahanda sa pagsisimula ng klase sa August 24, 2020.

Ayon kay Ginoong Palattao, dapat ang pipiliin ng LGU ay ang mga paaralan na malayo sa mga kabahayan.

Ipinaliwanag pa niya na bagamat hindi pa pinahihintulutan ang face-to-face sa mga paaralan, hindi lahat ay maaaring isailalim sa online learning kaya magagamit pa rin ang mga silid-aralan ng mga gurong napili ang modular learning na pagtuturo sa mga mag-aaral.

Ang pahayag ni Ginoong Romeo Palattao ng DepEd region 2.