Pinuri ni dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Atty. Domingo “Egon” Cayosa ang paglalabas ng warrant of arrest kay Sarah Discaya kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects, na aniya’y mahalagang hakbang laban sa matagal nang mabagal na sistema ng hustisya sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, may sapat at mabigat umanong ebidensya ang inihain ng Ombudsman at ng gobyerno kaya nararapat lamang ang pag isyu ng warrant. Aniya, matagal nang nasasanay ang publiko sa mga kasong nauuwi sa limot o dismissal dahil sa bagal ng proseso ng hustisya.
Gayunman, iginiit niya na hindi dapat hanggang sa mga pribadong indibidwal at contractor lamang ang managot. Batay umano sa mga pagdinig at mga ebidensyang lumutang, may mga tinutukoy na “big fish” gaya ng ilang mambabatas at matataas na opisyal ng gobyerno na dapat ding papanagutin kung seryoso ang pamahalaan sa paglaban sa katiwalian.
Sinabi ni Atty. Cayosa na dito masusubok ang sinseridad ng gobyerno, lalo’t may pahayag ang pangulo at Ombudsman na may high-profile personalities na maaaring makulong bago mag-pasko.
Samantala, kaugnay naman sa pagkamatay ni dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral, nanawagan si Atty. Cayosa sa mga opisyal na may nalalaman sa katotohanan na magsalita na. Ayon sa kanya, ang patuloy na pananahimik ay hindi magdadala ng kapayapaan o redemption.
Hinimok din niya ang pamilya ng nasawing opisyal na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagsuko ng mga posibleng ebidensya tulad ng cellphone at mga dokumento, bilang ambag sa paghahanap ng katotohanan at pananagutan sa umano’y dambuhalang pagnanakaw sa pondo ng bayan.











