CAUAYAN CITY – Inamin ng ilang magsasaka ng palay sa lunsod na hindi pa sila nakakapagtanim dahil sa mga insidente ng paghaharang sa mga irrigation canals.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa isang magsasakang residente ng Purok Uno, Brgy. Nagrumbuan, sinabi niya na may mga magsasaka ang hinarangan upang hindi mapatubigan ang kanilang bukid.
Nag aalala ngayon ang mga magsasaka na nasa ibabang bahagi na baka mahuhuli na naman silang makapagtanim kung ganito ang ginagawa ng ilan sa mga nasa bukana ng irigasyon.
Nasasayang lamang ang tubig na dumadaan sa irigasyon dahil hindi napupunta sa mga sakahan kundi diretso na sa mga sapa.
Ayon sa magsasaka palaging ganito ang nangyayari tuwing simula ng cropping season.
Aniya maaaring ito na naman ang maging dahilan ng away at pagbuwis ng buhay ng ilang magsasaka dahil sa pagpipigil ng ilang mas nakakataas o mayayamang magsasaka sa patubig.
Hiling nila ngayon ay maaksyunan ito ng pamunuan ng NIA-MARIIS upang lahat ng mga magsasaka ay pantay-pantay na makikinabang sa patubig.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carmelo Salvador, ang manager ng NIA-MARIIS, sinabi niya na hindi na maiwasang may mga naghaharang sa mga daluyan ng patubig lalo na sa gabi na wala nang nagbabantay.
Ayon kay Engr. Salvador nabuksan na ang mga naharangan na daluyan ng patubig sa upstream upang umabot na sa mga nasa downstream areas na hindi pa naaabot ng tubig mula noong nagsimula ang release.
Pinapakiusapan naman ng NIA-MARIIS ang mga magsasaka na nasa malapit sa upstream irrigation canals na buksan ang mga daluyan upang mabigyan din ng pagkakataon ang mga nasa ibabang bahagi na matubigan ang kanilang sinasaka.
Aniya titiyakin umano nilang masusunod ang schedule ng pagbubukas ng mga daluyan ng patubig ng mga magsasaka para sa kanilang paghahanda sa pagtatanim.
Hiniling naman ng NIA-MARIIS sa mga magsasaka na kung may concern sila sa patubig ay ipagbigay alam lamang sa kanilang tanggapan o sa kanilang hotline upang ito ay mabigyan nila ng kaukulang aksyon.