CAUAYAN CITY – Mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang paghohold sa mga pasyenteng hindi nakakapagbayad ng hospital bill ayon sa isang abogado.
Una nang dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang ilang residente ng lunsod ng Ilagan na naranasang ma-hold sa ospital dahil sa hindi nasettle na hospital bills.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, sinabi niya na sang ayon sa RA. 9439 o ang batas na nagbabawal sa pagdetine sa isang pasyente sa ospital at medical clinics na hindi makabayad ng hospital bills at medical expenses.
Hindi rin maaaring ihold ng ospital ang pagbibigay ng medical certificate o death certificate.
Ayon kay Atty. Arreola may mga kondisyon naman sa nasabing batas.
Aniya hindi mai aapply ang RA. 9439 kung private room ang ginamit ng pasyente.
Kung nabigyan na ng discharge slip ang pasyente o kaya naman ay patay na ay kailangan nang ilabas ng ospital at kailangang impormahan ang pamunuan upang sila ay mapayagang lumabas.
Kailangan ding gumawa ng promisory note ang pasyente o kaya guardian nito kung hindi talaga mababayaran kaagad ang kanilang hospital bill.
May iiwang collateral ang pasyente tulad ng titulo ng lupa o kaya naman ay Promisory note na may pirma ng Co maker o Surety na maggagarantiya na magbabayad ang pasyente.
Aniya lahat ng ospital, pribado man o pampubliko ay sakop ng RA. 9439.