CAUAYAN CITY – Hindi umano maituturing na voluntary surrender ang ginawang pagsuko ni Kingdom of Jesus Christ Leader Pastor Apollo Quiboloy.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, Former President IBP president sinabi niya na lumalabas na napilitan lamang si Quiboloy na sumuko dahil sa wala na umano siyang ibang mapupuntahan.
Pinapalabas lamang umano ng mga abogado nito na nag-voluntary surrender ang pastor para mapababa ang kaniyang sintensiya.
Gayunman, malinaw na naaresto pa rin siya ng mga awtoridad dahil sa pagsisilbi nila ng warrant of arrest na umabot ng ilang linggo.
Maituturing lamang itong voluntary surrender kung kusang sumuko si Quiboloy nang hindi na nagpagod pa ang mga awtoridad para hanapin ito.
Samantala, malaking hamon ngayon para sa Justice System ng bansa kung paano nila tututukan ang mga kasong kinakaharap ni Quiboloy.
Ayon kay Atty. Cayosa, hindi lamang dito sa Pilipinas may kinakaharap na kaso si Quiboloy kundi pati na rin sa Estados Unidos.
Dahil dito ay kinakilangang tiyakin ng pamahalaan na tapusin muna ang paglilitis dito sa bansa bago ipasakamay sa Estados Unidos ang Pastor.
‘Notoriously Slow’ kasi aniya ang justice system sa bansa kaya naman kailangan umanong ipakita sa taumbayan at sa ibang bansa na kahit papaano ay gumagalaw ito sa tamang pamamamaraan.